MOVIE REVIEW: Heneral Luna (2015)

Rate: 5/5 stars

Idinerehe ni: Jerrold Tarog

Isinulat nina: Henry Francia, EA Rocha, Jerrold Tarog

Mga Artista: John Arcilla, Mon Confiado, Aaron Villaflor, Jeffrey Quizon, Joem Bascon, Archie Alemania, Noni Buencamino, Mylene Dizon, Ketchup Eusebio, Paulo Avelino, Leo Martinez, atbp

Ang Heneral Luna ay isang pelikulang idinirehe ni Jerrold Tarog at nagtampok kay John Arcilla bilang Heneral Antonio Luna. Punong-puno at batbat ang pelikula ng mga artistang tulad nina Mon Confiado(Emillio Aguinaldo), Jeffrey Quizon (Apolinario Mabini), Felipe Buencamino (Noni Buencamino), Ketchup Eusebio (Capt. Janolino), Lorenz Martinez (Heneral Mascardo) at Mylene Dizon (Isabel).   Sila na hinasa ng malayang sining at teatro  kaya marahil nakapagbigay sila ng natural at kapani-paniwalang pagganap. Mga artistang hindi pabebe. Kakaiba rin ang ibinigay nilang timpla sa iba’t ibang mga historikal na personalidad. Sa ilalim nila, nabigyan ng mas malalim na pagganap ang mga karakter nina Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Petro Paterno, at si Heneral Luna.

“Isinusuka ko ang digmaan, Joven. Pero ang kompromiso. Wala ba tayong karapatang mabuhay ng malaya?”

images

Hindi nakapagtataka ang tinamong tagumpay ng pelikulang Heneral Luna. Sa panahong halos nakakalimutan na ng mga Pilipino ang mga personalidad na tulad niya, nagawa ng pelikulang itawid ang isang historikal na istorya sapagkat  winika para sa makabagong panahon. Binigyan nito ng modernong tunog ang isang lumang kwento, ipinakita ang temang unibersal sa pagitan ng noon at ngayon, at nakipag-usap sa henerasyong digital at social media na ang wikang sinasalita.

Sa umpisa pa lamang ng pelikula, inilagay nito ang mga manonood sa gitna ng digmaan sapagkat ito ang kontekstong ginalawan ni Heneral Luna. Walang kiyeme ang pelikula sa pagpinta ng digmaang Amerikano kontra Pilipino. Isa itong digmaan; madugo, malupit, kumikitil ng buhay. Isang digmaang dehado ang mga Pilipino, kung saan ayos-ayusin ang pagtira dahil, punyeta, sayang ang bala.

Subalit sa gitna ng pagsirit ng dugo, sa eksenang ito din natin natagpuan ang iba’t ibang mukha ng kabayanihan. Mayroong kabayanihang itinago ang tapang sa ngising nakakaloko at banat na nakakairita sa karakter ni Eduardo Rosca (Archie Alemania). Isang tinyenteng tapat at maasahan sa gitna ng pangangailangan sa katauhan ni Paco Roman(Joem Bascon). Mga kababaihang nagbibigay ng lakas sa nanghihinang mga sundalo, nag-aabot ng pagkain at gumagamot sa mga sugatan.

Doon din natin nakilala si Heneral Luna, mukhang marahas, may pagkabaliw, at mainitin ang ulo.  Subalit may kakaibang tapang at lakas ng loob. Isang heneral na tumangging magpakahon sa dikta ng may kapangyarihan, walang takot gamitin ang Artikulo Uno, “Ang sinumang tumanggi sa utos ng Heneral sa panahon ng digmaan ay kikitlan ng buhay” upang patibayin at ipagtanggol ang bansa. Kaiba sa mga kasamahan niya sa gabineteng nagdidiskusyon ukol sa digmaan subalit protektado ng kanilang mga bubungan, si Heneral Luna ay nakikipagpatintero sa kanyon. Sa panahong nauupos na ang pag-asa ng kanyang mga sundalo, siya ang pinunong sumakay sa kabayo at sinagasa ang tingga upang sumugod sa kalaban. Siya ang pinunong sa pamamagitan ng halimbawa ay ginising ang kabayanihan ng kanyang mga tauhan. At dito natin nakita ang depinisyon ng salitang “tapat sa tungkulin at sa bayan”.

Nanalo nga ba ang mga Pilipino sa labanang iyon? Marahil. Pero baka nga naman nagutom lang talaga ang mga Amerikano. Pero hindi na mahalaga kung ano ang totoo. Ang mahalaga, pinaniwalaan ng mga Pilipino ang kanilang tagumpay. At sapat na iyon. Ginawa nila ang kanilang makakaya upang ipagtanggol ang kanilang kalayaan.

“Ganito ba talaga ang tadhana natin. Kalaban ang kalaban. Kalaban ang kakampi. Nakakapagod.”

 Subalit tila isang bukbok na sumisira sa tahanan mula sa mismong dingding nito, isang malaking balintuna na ang mga taong kumitil kay Heneral Luna ay hindi ang mga Amerikanong nagtatapon sa kanya ng bomba. Kinitil siya ng mga taong mismong pinagsisilbihan niya.

Maraming klase ng digmaan. Politika ang pinakamalupit.

Inilatag ng pelikula ang punla at ugat ng galit ng mga taong nagbalak ng kanyang kamatayan. Isang heneral na hiniya sapagkat nakuhang makipagtalik sa kabila ng nagaganap na digmaan sa katauhan ni Heneral Janolino (Ketchup Eusebio). Isang heneral na ang sariling ego at pride ang pinagsisilbihan, si Heneral Mascardo (Lorenz Martinez) . Dalawang politiko, Felipe Buenamino (Nonie Buencamino) at Pedro Paterno (Leo Martinez) na kating-kati nang ibenta ang Pilipinas sa Amerika sapagkat malaki ang kanilang magiging pakinabang. At isang presidente, Emilio Aguinaldo (Mon Confiado), na kinatakutan ang malayang kaisipan at katapangan ni Heneral Luna. Iisa ang lutang nilang pagkakapareho, ang bawat isa ay may pinoprotektahang pansariling interes. Upang ipagtanggol ang kanilang interes, kaya nilang kumitil ng buhay.

Antonio-Luna-assassination-as-featured-by-the-San-Francisco-Call-on-June-14-1899Sinadya ba ng mga nasa likod ng pelikula na gawing karumal-dumal ang eksena ng pagkitil kay Heneral Luna? Oo, natitiyak ko. Sapagkat ang pagkitil ay karumal-dumal. Ang galit na nararamdaman ng manonood ay tunay, sapagkat totoong may mali sa naganap.

“Bayan o Sarili?”

Subalit nagtapos nga ba ang laban ni Heneral Luna sa kanyang kamatayan? Oo, nagtapos ito ng panawan siya ng huling hininga.

Datapwa’t para sa atin na patuloy na nabibuhay sa lipunang Pilipino na dumaranas pa rin ng instrinsikong kamalian ng lipunang ito, ano nga ba ang mahuhugot natin sa trahedya ng buhay ni Heneral Luna?

Apat na magkakaibang uri ng pagpapatuloy ang ipinakita sa atin ng pelikula. Sumaglit ang talunang mukha ni Apolinario Mabini (Jeffrey Quizon) na literal at metaporikal na naging imbalido sa pagiging piping saksi sa mga kaganapan. Naroon din ang mukha ng mga may sala, subalit hanggang ngayon ay  madiing itinatanggi ang kanilang kasalanan. Narinig din natin ang boses ni Joven, ang manunulat na patuloy na binubusisi ang mga naging kaganapan sa pagnanais na alamin ang katotohanan at ipreserba ang buhay ni Heneral Luna. Subalit ang paghahanap sa katototohanan ng manunulat ay ikinahon din ng parehong limitasyon na nagpagupo kay Heneral Luna. At ang huling imahe, lumabas ang imahe ni Heneral Gregorio del Pilar (Paulo Avelino) na itinakdang sumunod sa yapak ni Heneral Luna. Bata at puno ng tapang habang suot ang unipormeng may kaaakibat na kambal na karangalan at responsibilidad. Handang humawak ng baril at mamatay para sa bayan.

Tayo mismo, bilang mga bagong henerasyon ng mga Pilipino, anong klaseng pagpapatuloy ang gagawin natin?

Ang pelikulang “HENERAL LUNA” ay mapapanood pa rin sa lahat ng mga sinehan sa boung Pilipinas!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s